Welcome to the blog site of Desaparesidos,
Lualhati Bautista's latest novel
published by Cacho Publishing House

Home » Archives » October 2008

DESAPARESIDOS, CHAPT 4, Excerpt 2

October 3, 2008

Anu’t anuman, inaasahan na ng mga kasama na malao’t madali, ilalatag sa kanila ni Anna ang mga salitang ito. Wala isa mang nag-angat ng mukha mula sa pagkakatitig sa siga sa harapan nila, sa paanan ng bundok na tinakbuhan nila pagkaraang manganib na suyurin na rin ang lugar ng kanilang safe house. Maghahatinggabi na at nasa harap pa sila ng siga. Hindi sila makatulog sa ginaw.

“Gusto kong paniwalaan ang balita na nakaligtas ang anak ko.”

Tumingin si Jinky kay Anna. Hindi sila nag-uusap sa loob ng nakaraang ilang araw para siguro kunwari, tanggap na nila ang nangyari. Saglit pang nag-alala si Anna na baka si Jinky pa ang unang sumalansang sa kagustuhan niyang bumaba. Pero iba ang naging sagot ni Jinky:

“Gano’n ang balitang nakarating sa ibang yunit.”   

Nakahinga siya nang maluwag. Kitang-kita niya, kitang-kita ng lahat kay Jinky, na tulad niya’y nangangapit din ito sa isang malabong pag-asa.  

“Wala na raw ang asawa ko, dala ang anak ni Ka Leila, nang mangyari ang masaker. Naipuslit sila ng tatay ni Ka Roy bago nangyari ang masaker!”

Wala pa ring sumagot sa mga kaharap. Sana nga, kasama; parang gusto nilang sabihin. Pero hindi pa natin kumpirmado ang balita. Ang tanging kumpirmado natin, pinatay ang buong pamilya ni Ka Roy.

Gayunman, sa kabila ng idealismo ng kanilang panahon, nauunawaan nila sina Anna at Jinky at nangangamba man sila sa seguridad ng dalawa, hindi nila pipigilan ang mga ito sa paghahanap ng katiyakan.

“Gusto ko ring hanapin ang asawa ko,” malumanay at malungkot, at may paghingi ng paumanhin, kasabay na mayroon ding determinasyon sa tinig ni Jinky.

Wala pa ring sumasagot.

Nilisa ng mga mata ni Anna ang mukha ng bawat kaharap. “Bababa ako, mga kasama. Hahanapin ko ang anak ko.”  Itinutok niya ang tingin sa masilab at malangitngit na siga. Tiyak ang malumanay na tinig niya:  “Putang ina nila… hahanapin ko ang anak ko.”

 …

 

Posted by desaparesidos at 12:56 pm | permalink | View this entry

DESAPARESIDOS, CHAPT 4, Excerpt 1

Mula sa Ikaapat na Kabanata

“GUSTO kong bumaba, mga kasama,” wala ni patak ng luha nang sa wakas ay magawang sabihin ni Anna sa mga kasama. “Gusto kong hanapin ang anak ko.”

Magkataliwas ang mga balitang nakakarating sa kanila. Sa isang banda, sinasabi na bago nangyari ang pagpatay at pagsunog sa buong pamilya ni Roy ay naialis ni Mang Manuel sina Karla at Malaya. Kung saan dinala, kung kanino ibinigay, iyon ang hindi nila alam. Basta ang alam nila, ipinrusisyon ng mga tao ang block rosary kahit hindi pa iyon dapat ibaba mula sa pinanggalingang bahay. Nakiprusisyon ang buong baryo para marami. Mas marami, mas makapal na tao ang magkakanlong sa buntis at sa sanggol na inihingi sa kanila ng tulong ni Mang Manuel.

Nakaabang na sa tapat ng pagdadalhang bahay ang isang kariton na hila ng kalabaw. Kung sino ang lalaking nakasambalilo na gumigiya sa kalabaw, hindi kilala ng mga tao. Ipinagpalagay na lang nila na kamag-anak iyon ni Mang Manuel kundi man kasamahan ng anak nito.

Isinampa ni Mang Manuel sa kariton sina Karla at Malaya. Iyon ang huling pagkakataon na nakita nila ang dalawa.

Pero sa isang banda, may balita din na nang pababain lahat ng tao, naiwan sa bahay ni Mang Manuel sina Karla at Malaya. Itinago daw ang bata sa baul pero may butas naman sa likod ng baul kaya hindi dapat alalahanin na hindi ito makahinga. Kung nakatago sa baul ang bata, paano iyon makakaligtas sa panununog ng mga sundalo kundi man sa rapido ng mga baril?  

At sa isang banda pa, sinasabi na  nakaligtas man sina Karla at Malaya sa bahay ni Mang Manuel, nakaligtas naman kaya ang mga ito sa pinagdalhan? Walang baryong pinatawad ang mga militar. Kinubkob lahat, daan-daan ang pinatay. Hindi man iyon nabalita sa mga diyaryo dito dahil hawak ni Marcos ang media, nabalita iyon sa mga diyaryo sa ibang bansa. Iniimbestigahan na nga iyon ng UN Commission on Human Rights.


Posted by desaparesidos at 12:48 pm | permalink | View this entry