Desaparesidos, Chapt 2, Excerpt 2
July 3, 2008Mula pa rin sa ikawalang kabanata
Simple lang ang bahay ng mga magulang ni Roy: isang karaniwang bahay-probinsiya na yari sa kahoy at kawayan. Abot-tanaw ang bukid na nememerde sa palay ng mga panahong iyon. Malamig ang dampi ng hanging labas-masok sa maluluwang na bintana. Nag-alala si Anna na baka minsa’y bumababa ang temperatura dito sa lamig na di-kayang harangin ng mga kumot at pranela. Baka ginawin ang anak niya. Yayakapin kaya ng dalawang babaing ito ang anak niya para di masyadong ginawin?
“Hindi nila sinabi sa akin na buntis ka,” matapat na sabi niya kay Karla nang magkasarilinan sila. “Paano ko iiwan sa ‘yo ang anak ko, buntis ka pala?”
“Kaya ko iyan,” nakatawang pangako ni Karla. “Hindi naman ako hirap magbuntis.”
Kinuha ni Karla ang anak niya. Pinagkasuri-suri muna ng bilog na bilog na mga mata ng anak niya si Karla, bago sumama din.
“Tignan mo, sumama agad sa akin,” pinagmasdan ni Karla ang bata. “Kamukha siya ni Nonong.”
Parang kinurot ang puso ni Anna sa pagkabanggit sa pangalan ni Nonong.
“Dinaramdam ko ang nangyari kay Nonong.”
Tumingin siya sa malayo at nag-isip ng masaya. Ang sarap sigurong manirahan dito, tiyak na aantukin ka sa tanghali. Naku, aratiles, o… ang pula-pula na ng mga bunga! Siguro sa gabi, naglipana dito ang alitaptap. Ang hilig-hilig ko pa namang panoorin ang mga alitaptap! Ikaw, Karla, mahilig ka rin ba sa mga alitaptap na tulad ko?
“Dadating din ang araw ng paghihiganti, Ka Leila,” sinabi iyon ni Karla sa paraan ng mataimtim na pangako.
Sinikap niyang ngumiti. Tinatanggap ang mga kamatayan sa loob ng kilusan. Hindi iniiyakan nang matagal, hindi pinag-uusapan nang madalas.
“Salamat,” sabi niya.
Iniangat ni Karla ang bata, saglit na muling pinagmasdan at niyakap. Nakangiti na ito nang tumingin sa kanya. “Ano ang pangalan ng anak mo?”
“Malaya.”
Nagulat, tumawa nang mahina si Karla. “Magkatukayo pa pala sila ng magiging baby ko,” hinalikan nito si Malaya. “Di bale, puwede naman kayong magsukob sa pangalan… magsukob sa iisang bandila ng pakikibaka.”
Ewan niya kung bakit at paano pero biglang-bigla, dinapuan siya ng isang uri ng kaba na nagpaalsa sa mga kilabot ng kanyang balat. Na baka hindi na sila muling magkita pa ng kanyang si Malaya!


