Welcome to the blog site of Desaparesidos,
Lualhati Bautista's latest novel
published by Cacho Publishing House

Home » Post Item » Desaparesidos, Chapt 2, Excerpt 1

Desaparesidos, Chapt 2, Excerpt 1

July 2, 2008

Mula sa ikalawang kabanata

HINDI tanga ang militar. Bigo man silang “pakantahin” si Tatay Dencio, kinamatayan man nito ang pagtatakip sa manugang at mga kasamahan nito, alam nila na hindi nito matutunton ang anak kung walang rebelde sa loob mismo ng munisipalidad. Pinaghinalaan nila ang mga tagabaryo, tinalasan ang mata at pakiramdam laban sa bawat isang lalaki, babae, bata, at matanda. Ginawang suwertihan na lang ang laban. Alaberde na lang, bahala na si Batman! Sayang na lang na sila’y sundalo kung hindi nila kayang ipagtanggol ang bayan! Sinona ang mga baryo, pinababa at minasaker ang maraming ama, hinamlet ang iba pa, hinugot ang mga tao sa katwiran na hindi mabubuhay ang isda kung walang tubig; hindi makakapamayagpag ang mga rebelde kung walang taong-bayan na kukupkop at magpapakain sa kanila.Tumawid ang gulo hanggang kabilang munisipalidad. Dinukot ang political officer ng isang unit at ni bangkay nito ay hindi na nakita pa. Ni-raid ang bahay ng isang kaalyado na ipinapalagay pa naman nila na pinaka-safe sa lahat ng posibleng takbuhan sa pinakagipit na kalagayan… paano nangyari na kung alin pa ang iniisip nilang pinaka-safe, ay siya pang unang napasok ng mga kaaway?

“Pinagdodoble-ingat tayo ng mga nasa itaas. May ajax daw sa atin.”

Napatingin siya sa mukha ni Roy. Napatingin din kay Roy ang iba pa. May kabadong tanong na sumungaw sa mukha ng bawa’t isa. ako ba iyon? Pinaghihinalaan n’yo ba ako, kasama?

“Kailangan din nating lumipat ng lugar. Anim na buwan na tayo dito, baka tukoy na tayo. Mainit ang kalagayan.”

Napayakap nang mahigpit si Anna sa anak. Paano na sila ng baby niya?

“Paano na kami ng baby ko, Ka Roy?”

“Gusto mo ba munang lumabas?”

Natigilan siya sa tanong, nagtalo ang isip sa pagitan ng oo at hindi. Nababasa ba ni Roy sa mukha niya na paminsan-minsan, sumasagi din sa isip niya na gusto muna niyang lumabas alang-alang sa kanyang anak?

Pero, saan naman sila pupunta ng baby niya? Uuwi ba siya sa bahay ng kanyang mga magulang? Delikado siya roon, na-raid na iyon noon. Saka hindi niya alam kung welcome pa siya sa magulang. Ang alam niya hanggang ngayon, sinisisi siya ng tatay niya na kung hindi sa “kalokohan” niya, hindi magugulo pati ang buhay ng lahat.

Kung mananatili naman siya dito, paano ang baby niya? Paano ang kaligtasan ng baby niya?

“Iniisip ko lang ang baby ko,” sabi niya.

“Maiintindihan namin kung gusto mo munang lumabas.”

“Baka pagsisihan ko. Baka araw-araw, gusto kong bumalik.”

“Kailangan ka namin dito, Ka Leila.” Leila ang pangalan niya sa kilusan. Walang taga-kilusan na gumagamit ng tunay na pangalan.


 

Posted by desaparesidos at 6:57 am | permalink

Comments are closed.