Desaparesidos, Chapt 1, Excerpt 2
July 1, 2008. . . Biglang naisip ni Anna na baka hindi lang nagugulat ang mga dayuhan dahil matagal na nilang “alam” na primitibo naman ang Pilipinas, uncivilized, at kumakain talaga ng tao. Nakaramdam siya ng pagkapahiya. Biglang gusto niyang tumindig at sabihin: “Excuse me, ladies and gentlemen, sa mga vigilante group lang po iyon. Hindi pa lahat kami, gano’n. Sila lang po ang cannibal; hindi po lahat kami. Excuse me, ladies and gentlemen!”
“This one is Anna’s husband.”
Napaangat ang mukha ni Anna. Tumahip ang dibdib niya, malakas, mabilis, kabit-kabit. Dalawampung taon mula nang mangyari iyon at hindi pa rin niya maiwasan ang parang tarak ng patalim sa puso niya.
Tuluy-tuloy ang pagsasalita ni Sister Lourdes. “He was killed by soldiers of the 24th Infantry Battalion. His body was displayed at the town plaza. Inspite of the very tight security, a visiting photographer somehow managed to take this picture. Anna, would you like to talk a little about Nonong?”
Nakatingin na kay Anna ang lahat. Sa kanya nakatingin si Sister Lourdes at iglap, alam ng mga bisita na siya na iyon, siya si Anna. . . .
Gusto niyang sitahin, pagalitan, si Sister Lourdes. Kung magreport ka ng tungkol sa mga pinatay, parang nagrereport ka lang ng lagay ng panahon. Parang hindi mo na feel, Sister. Parang wala naman sila talaga sa puso mo.
May nagsalita ng “never mind”. Boses-lalaki, boses-kano. “She can talk about him later, when we hear the testimonies.”
Nakahinga siya nang maluwag, gustong magpasalamat sa Kano. Dahan-dahan siyang nagbaba ng mata. At nag-umpisang mangamba sa sandali na kailangan na naman niyang buksan ang lahat sa umpisa.
Kaya na ba talaga niyang magsalita nang hindi nagsisikip-nagsisiklab ang loob? Dalawampung taon na, kaya na ba niya talagang ikuwento kung paano ibinilad ng mga sundalo sa plasa ang bangkay ng kanyang asawa, kasama ng bangkay ng tatlong iba pa? Ng tatlong iba pa na pawang napatay daw sa engkuwentro?
Mag-aanak lang iyon ng mahabang-mahabang kuwento na kakabit ng kanyang kasalukuyan…



kaanu anu po ba ni anna si nonong at roy?
Posted by bentot at December 20, 2008, 5:56 pmmejo naguguluhan ako eh.. tnx..
nabasa ko na ksi hanggang chapter 9..