Desaparesidos, Chapt 1 excerpt 1
June 30, 2008DESAPARESIDOS
nobela ni: LUALHATI BAUTISTA
unang kabanata
“THIS here is the body of a sixteen-year old girl who was raped and killed by elements of a vigilante group,” sinasabi ni Sister Lourdes habang naka-freeze sa screen ng slide presentation ang larawan ng isang binitay sa panahon ng martial law. Nakatali pa rin sa leeg nito ang makapal na lubid, tapyas at duguan ang dalawang suso. Di man lang binura ng kamatayan ang latay ng lagim at pagkamulagat sa mukha nito.
Tahimik ang lahat sa loob ng audio-visual room na pinagdadausan ng slide presentation. Tahimik at walang galaw sa kanya-kanyang kinuupuan. Kaya mong marinig ang tunog ng nahulog na karayom sa sobrang pagkatahimik, bagamat eksaheradong sabihin ito.
“As you can see, both her breasts were cut off, presumably eaten by elements of the vigilante group,” sa inggles nagsasalita si Sister Lourdes para sa kapakanan ng mga dayuhang mamamahayag, kinatawan ng Amnesty International, at abugadong Amerkano na padala ng isang law office sa Amerika. “For some perverse reason, these elements are said to have taken to eating parts of the body of their victims, believing they say, that it will somehow increase their strength and virility.”
Wala pa ring nagugulat o nagre-react sa mga nanonood. Baka naman kasi luma na sa kanila ang balita ng pagkain sa parte-parte ng katawan ng isang pinatay. . . .


