Welcome to the blog site of Desaparesidos,
Lualhati Bautista's latest novel
published by Cacho Publishing House

Home » Post Item » Introduksiyon sa Desaparesidos, Part 1

Introduksiyon sa Desaparesidos, Part 1

June 27, 2008

INTRODUKSIYON (sa Desaparesidos)ni Bienvenido L. Lumbera, National Artist for Literature
Akala natin ay nasabi nang lahat ang gustong sabihin ni Lualhati Bautista tungkol sa bisa ng Martial Law sa pamilyang Filipino sa kanyang Dekada ’70. Pero narito ang Desaparesidos, at kalunos-lunos ang nilalaman ng bagong nobela tungkol sa paglasog ng mga kabuktutang militar sa pamilya ng mga rebolusyonaryong nasa kanayunan sa panahon ng diktadura. Tungkol ito kay Anna at ang pagkawala ng kanyang sanggol sa raid sa isang baryo, at ang 20-taong paghahanap ng ina sa kanyang anak na si Malaya. Kahanga-hanga ang ipinamalas dito ni Bautista na kakayahang maigting na hagipin ang kamalayan ng mambabasa at mariing tatakan ito ng malalagim at makabagbag-damdaming mga tagpo. Ito na marahil ang di-mapasusubaliang katibayan na tunay na karapatan ng awtor na angkinin ang karangalan bilang pangunahing kontemporaryong nobelista ng ating panahon.

Dalawampung taong nang nawakasan ng EDSA I ang Martial Law at si Anna, na dati’y aktibong kumilos bilang Pulang mandirigma sa kanayunan, ay naglilingkod sa isang NGO na naghahanda ng kaso laban sa mag-asawang Marcos. Siya at ang kanyang asawang si Roy, na kasama niya sa pagkilos noon, ay di makaiwas sa paggunita sa kanilang pinagdaanan at sa mga kasamang dumanas ng karahasan bilang bahagi ng kilusang pinamunuan ng CCP. Ang mag-asawang Jinky at Karla ang tanging nalalaman nilang ugnay sa hinahanap nilang anak. Subalit si Jinky ay patay na at si Karla ay hindi nila matunton. “Suntok sa buwan” lamang ang walang puknat na paghahanap ng mag-asawa kay Malaya. Sa unang bahagi ng nobela, ang katagang “desaparesidos” ay tumutukoy sa nawawalang anak. Sa ikalawang bahagi, nagbabago ang pakahulugan sa pamagat ng nobela pagkat itinuon ni Bautista ang banghay sa paghahanap ng anak ng rebolusyonaryong magulang sa ”nawawalang” ama at ina. Si Lorena ang panganay nina Roy at Anna ay pinatibay ang sarili sa kanyang paglaking malayo sa magulang. Kinikim niya ang kanyang tampo at hinanakit at nagpakamanhid sa pagmamahal ng ama at ina kahit sa panahong magkakapisan na sila bilang pamilya. Si Malaya namang pinalaki sa paniniwala na ang tatay niya ay si Jinky, na sinasabing pinatay ng mga NPA dahil sa pagkakanulo nito sa mga kasama nang siya ay dumaranas ng tortyur, ay ayaw maniwala na taksil ang ama kaya’t humanap ng kumpirmasyon na bayani ng kilusan si Jinky.

Itutuloy…

Posted by desaparesidos at 1:32 pm | permalink

Comments are closed.